Sinabi ni Senador Joel Villanueva na handa siyang dumalo sa special session ng Kongreso kung magpapatawag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Sa pagkakataon na magkaroon ng special session, tutuparin natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang Batas. We will be there,” sabi ni Villanueva sa isang video statement nitong Linggo sa isang pagtitipon ng Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW), ang evangelical church na itinatag ng kaniyang ama na si Eduardo "Brother Eddie" Villanueva.
Kabilang si Villanueva sa grupo na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano. Mula noong Hunyo 1, hindi na dumalo sa sesyon ng Senado ang naturang grupo hanggang sa magbakasyon na ang sesyon ng Kongreso noong nakaraang linggo.
Binigyang-diin ni Villanueva na hindi ito ang panahon ng pagkakampi-kampihan dahil may mahahalagang panukalang batas umano na kailangang maipasa.
“Hindi po ito panahon ng kampihan. Kapag may kababayan tayong nangangailangan, tungkulin nating tumugon at maglingkod. Noon hanggang ngayon, klaro po sa atin, klarong klaro sa atin ang dahilan kung bakit tayo narito bilang lingkod-bayan,” giit niya.
“Klaro sa atin kung bakit tayo dinala ng Diyos sa posisyon na ito. Tungkulin nating protektahan ang ating institusyon at unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan," dagdag ng mambabatas.
Kabilang sa mga panukala na kailangan umanong maaksyunan ng mga mambabatas ay ang pagbibigay ng tulong at rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
"Una, maghahain tayo sa resolusyon para matiyak na may sapat na pondo para sa relief, rehabilitation, at muling pagbangon ng mga lugar na tinamaan ng lindol sa parte ng Mindanao,” ani Villanueva.
Ayon din sa senador, ang espesyal na sesyon ay magbibigay-daan upang maaprubahan ang mga panukalang nakabinbin para sa ikatlo at pinal na pagbasa, gayundin ang kumpirmasyon sa mga pagtatalaga ng mga opisyal ng militar na naantala dahil sa sigalot sa liderato ng Senado.
Ipinahayag din ni Villanueva na hindi dapat madamay at maipit ang mga kawani ng Senado sa banggaan tungkol sa pamunuan ng kapulungan.
“Ang nakakalungkot po ay hindi makapagtrabaho nang maayos ang Senado. Hindi lang dahil sa isyu ng liderato kundi dahil sa mga lockdown at patuloy na banta sa seguridad di umano ng ating institusyon…The Senate staff should not be caught in the middle of this political fight. Hindi pwedeng purong away na lang,” giit niya.
Gayunman, walang inihayag si Villanueva kung aalis siya sa grupo ni Cayetano upang maging pang-13 senador na susuporta kay acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Kamakailan, sinabi ng Malacañang na nakahanda si Pangulong Marcos na magpatawag ng espesyal na sesyon ng Kongreso sa kabila ng sine die adjournment kung hihilingin ito ni Gatchalian.
Binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kinikilala na ng Malacañang ang liderato ni Gatchalian.—FRJ GMA News
