Isang 21-anyos na mangangalakal ang binugbog at itinali pa sa puno sa loob ng Intramuros Golf Course sa Maynila nitong Sabado ng gabi.
Sa ulat sa 24 Oras nitong Linggo, mabuti na lamang ang natiyempuhan ng isang security officer ng golf course na si Roni Sison ang aktong pagtatali sa puno ng isang lalaki kay Rogelio Tolentino.
Ayon kay Sison, kumuha ng patalim at akmang sasaksakin na ng hindi pa nakikilalang lalaki si Tolentino nang abutan niya.
Aniya, inabutan pa niyang may nakasaklob na sako sa ulo ng biktima.
Sinabi ng guwardiya na nagpanggap siyang may baril at tinakot niya ang lalaki na babarilin niya kapag sinaksak si Tolentino.
Bago tumakas, inundayan ng ilang suntok ng lalaki si Tolentino sabay takbo.
Sinabi pa ni Sison na nang sinita niya ang hindi kilalang lalaki, sinabi nitong magnanakaw si Tolentino.
Ayon kay Tolentino, napag-initan lamang siya ng naturang lalaki.
Kuwento niya, nakatambay lamang siya nang biglang tutukan ng patalim ng lalaki saka tinalian sa kamay at isinakay sa pedicab.
Nakumpirma naman ng mga guwardiya sa golf course na hindi nga magnanakaw si Tolentino dahil nang halughugin nila ang bag nito ay mga basura at baraha.
Dinala sa presinto si Tolentino para maireport ang ginawa sa kanya at kalaunan ay nagpaalam ding umuwi.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya upang makilala ang lalaki na nantrip kay Tolentino. —ulat ni Steve Dailisan/ALG, GMA News
