Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na tatlo sa 14 na batang nasawi at nabakunahan ng Dengvaxia ang namatay dahil sa dengue. Samantala, ibang sakit naman ang dahilan ng pagkasawi ng siyam na iba pa.
Pero nilinaw ng mga opisyal na hindi direktang may kinalaman ang bakuna sa pagkasawi ng tatlong bata.
Sa press conference, sinabi ni DOH Undersecretary Rolando Enrique Domingo na kinakitaan ng "causal association" ang tatlong bata — ang dalawa sa kanila ay pinaniniwalaan dulot ng "vaccine failure."
Hindi naman matiyak pa kung sumablay din ang bakuna sa isa pang biktima o may ibang dahilan.
Ang "vaccine failure" ay ang kabiguan ng ginawang gamot na pigilan ang sakit.
“Tatlong kaso ang nakitaan ng causal association. Sila ay namatay sa dengue kahit sila ay nabigyan ng Dengvaxia — dalawa sa kanila ay maaaring dulot ng vaccine failure,” sabi ni Domingo sa pagsipi sa ulat ng PGH Dengue Investigative Task Force.
Sabi naman ni PGH director Gerard Legaspi, ang tatlong bata ay nasawi dahil sa "dengue shock syndrome," pero hindi nangangahulugan na dahil sa bakuna.
"There is no direct evidence for now that the vaccine caused any change in the course of the dengue shock syndrome of the kids," saad niya.
"Namatay sila dahil sa dengue. Kaya ayun ang declaration ng Task Force, that the cause of death was the dengue shock syndrome and not the vaccine," dagdag ni Legaspi.
Lumitaw din sa pagsusuri na tatlo pa sa 14 na bata ang namatay ay walang kaugnay sa dengue at nagkataon lang na nabakunahan din ng Dengvaxia.
Samantala ang anim na bata ay nagkasakit isang buwan matapos na mabakunahan pero ibang sakit din ang dahilan ng pagkamatay.
May dalawa pang bata ay nanatiling "unclassified" dahil sa kakulangan ng impormasyon.
Inirekomenda ng PGH panel na magsagawa pa ng imbestigasyon bago ideklarang pinal ang kanilang pagsusuri. — FRJ, GMA News
