Nagsuntukan, sipaan at tulakan ang mga miyembro ng dalawang jeepney transport group sa labas ng opisina ng Department of Transportation sa Clark, Pampanga. Ang kanilang rambulan, nag-ugat daw sa magkaiba nilang opinyon tungkol sa jeepney modernization program.

Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing ang nasangkot sa gulo ay ang grupong Pasang Masda at ang Samahan ng Tsuper at Operator na tutol sa Phaseout o STOP-Pampanga.

Makikita sa CCTV na paalis na ng DOTr ang grupo ng Pasang Masda, kabilang ang lider nitong si Obet Martin, ngunit huminto sila sa paglalakad nang tawagin ng grupo ng STOP-Pampanga ni Dan Yumul.

Nang magkalapit ang dalawang grupo, doon na nagkaroon ng sigawan hanggang sa mauwi sa gulo.

Tumigil lang ang kanilang suntukan at tulakan nang mag-warning shot ang guwardiya.

Dahil sa insidente, napalabas ng opisina ang ilang empleyado ng DOTr, kabilang si Undersecretary Tim Orbos.

Hinarap daw muna ni DOTr Secretary Art Tugade ang dalawang grupo bago sila dinala sa istasyon ng pulis sa Clark.

Hindi sang-ayon ang grupo ni Yumul sa jeepney modernization, habang pabor naman sa programa ang grupo ni Martin.

Wala naman daw balak si Martin na maghain ng reklamo at handa rin siyang makipag-usap sa grupo ni Yumul.

Nagpaalala naman ang DOTr na hindi maaayos ang problema kung dadaanin ito sa init ng ulo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News