Kasabay ng pag-uwi ng ilang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Kuwait nitong Martes ng gabi, tinalakay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tungkol sa paglobo ng populasyon ng bansa. Pero sa halip na condom, hinikayat niya ang mga OFW na gumamit ng libreng contraceptives.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinaliwanag ni Duterte sa mga dumating na OFW ang mahirap na buhay sa bansa dahil sa malaking populasyon ng mga Pinoy na mahigit 100 milyon na.

"Ang Pilipino, walang alam `yan basta rapapapapap...110 milyon [populasyon] kaya mahirap ang buhay," sabi niya.

Kaya payo ng pangulo sa mga OFW, gumamit sila ng mga libreng contraceptive na pinamamahagi ng pamahalaan.

"Magpa-injection lang kayo,`yung something or the pills. `Wag kayong manganak, `wag kayong magpalabas masyado ng tao kasi ako... ako naaawa ako sa tao. May pills libre," sabi niya.

Pero hindi niya hinikayat ang paggamit ng condom dahil hindi umano "masarap."

"`Wag `yang condom kasi hindi masarap `yang condom," sambit ng pangulo na nagpatawa sa mga tao.

"Hindi, totoo. Hindi ako nagpapatawa," dagdag ni Duterte na naglabas ng kendi na may balat na bahagya niyang kinagat para gamiting halimbawa sa kaniyang katwiran tungkol sa condom.

"Ako, i'm just telling you that is why biology. alam ko ayaw ninyo ng condom so either magpa-injection kayo good for six months. so walang limit 'yung...kalibugan mo diyan. Bahala ka kung ano," patuloy ng pangulo.

Ayon sa ulat, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority ay hindi patok ang condom sa paraan sa pagpa-plano ng pamilya ng maraming Pilipino.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2013, wala pang dalawang porsiyento ng may asawang kababaihan ang nagsabing gumamit ng condom ang kanilang mister para sa family planning.

Mas maraming Pinoy ang gumagamit ng pills o "withdrawal method."

Gayunman, ang hindi paggamit ng condom ang isa sa mga sinisisi rin ng mga eksperto kung bakit biglang lumobo ang bilang ng mga Pilipino na nagkaroon ng HIV infection.

Mula Enero hanggang Nobyembre ng 2017, mahigit 10,000 na ang naiulat na HIV cases sa Pilipinas. -- FRJ, GMA News