Nakumpiska ng mga awtoridad ang hinihinalang mga ipinuslit na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P3 bilyon sa Agusan del Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing isinagawa ng mga miyembro ng 1st Agusan del Norte Provincial Mobile Force Company, kasama ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at iba pang unit ng pulisya, ang operasyon sa Barangay Talisay, bayan ng Nasipit noong Mayo 8, 2026.

Sa isinagawang malawakang interdiction operation, nadiskubre ng mga awtoridad ang 54 na unit ng 40-foot container vans na may laman ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P3 bilyon.

Ayon sa pulisya, ipinapakita ng operasyon ang patuloy na pagtutok ng Philippine National Police (PNP) sa paglaban sa ilegal na kalakalan at sa pagprotekta sa ekonomiya ng bansa.

“Large-scale smuggling operations weaken lawful businesses and deprive the government of revenues intended for public services. The PNP will continue strengthening law enforcement efforts against organized illegal trade activities across the country,” ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung sino ang nasa likod ng cigarette smuggling.

“Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga grupong sangkot sa smuggling at iba pang ilegal na gawain. Patuloy nating pananagutin ang mga nasa likod nito upang maprotektahan ang interes ng taumbayan,” sabi pa ni Nartatez. -- FRJ GMA News