Isinailalim sa lockdown ang Senado ngayong Lunes na nagsimula dakong 3:00 pm matapos tangkaing arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras,” sinabing iniutos ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms ang lockdown dakong 3:00 pm matapos mabigo ang mga tauhan ng NBI na dakpin si dela Rosa.

"We want to restore order here in the Senate," sabi ng bagong Senate President na si Alan Peter Cayetano.

Matapos na hindi pumasok sa Senado mula noong nakaraang Nobyembre, muling nagpakita sa plenaryo si Dela Rosa ngayong Lunes. Hindi siya dumalo sa mga sesyon ng Senado dahil sa mga ulat na naglabas umano ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kaniya.

Kaugnay ito ng kaniyang pagkakasangkot sa kontrobersyal na war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nagsilbing PNP Chief noon si dela Rosa.

Makikita sa CCTV footage ng Senado na sinubukan ng mga tauhan ng NBI na harangin si Dela Rosa sa pagpasok sa gusali.

Makikita na tumatakbo paakyat ng hagdan si Dela Rosa at ilang lalaki ang humahabol sa kaniya..

Nagpatuloy ang habulan mula sa mga pasilyo hanggang sa fire exit ng Senado. Sa isang pagkakataon, nadapa si dela Rosa sa hagdan habang hinahabol ng mga ahente ng NBI.

Nakarating si dela Rosa sa plenary session at bumoto para kay Cayetano, na pumalit kay Senador Vicente Sotto III, bilang lider ng kapulungan.

Pinatawan naman ng contempt at iniutos na manatili sa loob ng gusali ng Senad ang mga tauhan ng NBI na humabol kay dela Rosa.

Inaprubahan din ng Senado ang mosyon na isailalim si Dela Rosa sa protective custody ng kapulungan.

May mga pulis din na dumating sa Senado at binantayan ang gate ng kapulungan.

Masusing sinusuri ang mga sasakyan na pumapasok at lumalabas mula sa kapulungan.— Sundy Locus/FRJ GMA News