Sa gitna ng mga usap-usapan tungkol sa nalalapit na kasal nina Bea Alonzo at Vincent Co, nagbahagi si Dimples Romana sa kaniyang Instagram Stories noong Linggo ng ilang larawan habang bumiyahe sila pa-abroad ng kaniyang mister na si Boyet Ahmee.
Sa unang larawan, makikita sina Dimples at Boyet sa isang airport lounge, habang naglagay ang aktres ng Instagram sticker ng eroplanong lumilipad at tinag ang kaniyang mister.
Sa isa pang larawan, ibinahagi ni Dimples ang kuha mula sa kaniyang business class seat at sinabing kaya niyang iwan ang lahat maliban sa kanyang travel essentials tulad ng alcohol wipes, “kulambo for my feet,” at ang kanyang asawa.
Naglagay rin siya ng Instagram stickers ng passport at boarding pass. Pero hindi naman binanggit ni Dimples kung saan ang kanilang destinasyon.
Samantala, usap-usapan ngayon na ikakasal sina Bea at Vincent sa Spain, bagaman walang kumpirmasyon mula sa dalawa. Gayunman, noong Marso, naglabas ng wedding bans ang isang parokya sa Maynila.
Kilala sina Dimples at Bea na matalik na magkaibigan matapos magsama sa hit movie na “One More Chance.” Madalas silang magkasama at ibinabahagi ang kanilang bonding moments sa social media, gaya noong nakaraang Holy Week nang mag-post si Dimples ng larawan ng kanilang get-together kasama ang kapwa “One More Chance” co-star na si Beatriz Saw, asawa ni Dimples, at boyfriend ni Bea na si Vincent.
Nagkataon din na ang post ni Dimples tungkol sa kaniyang biyahe ay kasabay sa paglabas ng mga usap-usapan at blind items na nagsasabing naaantala umano ang kasal ni Bea.
Wala pang inilalabas na pahayag sina Bea at Vincent tungkol dito.
Kinumpirma ni Bea ang kanyang relasyon kay Vincent noong Agosto 2025. — Marisse Panaligan/FRJ GMA News
