Humantong sa suntukan ang titigan ng dalawang lasing na lalaki sa isang eskinita sa Maynila.
Sa ulat ni sa Balitanghali nitong Sabado, nangyari ang insidente sa Hermosa Street sa Barangay 200, kung saan makikita sa CCTV camera footage na tila may katitigan ang isang lalaki.
Lumayo na siya matapos ang ilang sandali, ngunit hinabol siya ng kaniyang nakatitigan.
"Nagkatinginan sila mismo dito sa daanan, inabangan na siya. Nagkainitan na sila, ayun," sabi ni Manuel Jacinto, kagawad ng Barangay 200.
Nagkagirian ang dalawa, hanggang sa manulak ang humabol na lalaki. Dito na sila nagkasuntukan.
Ilang beses pa silang natumba habang walang tigil ang kanilang palitan ng suntok.
Naawat lamang ang dalawang lalaki nang may mamagitan na mga tanod at misis ng isa sa kanila.
Samantala sa Barangay 200 din sa isa pang eskinita, huli ng CCTV camera ang pananaga ng isang lalaki sa kaniyang bayaw dahil itinatago umano nito ang kaniyang misis.
Ayon sa ulat, nangungulila na ang lalaki sa kaniyang asawa.
"Akala siguro itinatago 'yung asawa," ani Jacinto.
Hindi naman nagtamo ng sugat ang biktima dahil baligtad pala ang pagkakahawak ng suspek sa itak.
Napag-alamang nakainom din ang suspek.
Hindi pa nagpapakita ang mga sangkot sa gulo, kahit pinatawag na sila sa barangay.
"Pinapaalalahanan namin sila na kahit sa kalye, bawal mag-inuman," sabi ni Jacinto. —Jamil Santos/ALG, GMA News
