Patay ang isang pulis-Quezon City matapos siyang ratratin ng sariling asawa gamit ang isang Uzi sa loob ng kanilang bahay nitong Lunes ng hapon.

Sa ulat sa Super Radyo dzBB, nakilala ang napaslang na pulis na si Police Officer 2 Angelo Capili na nakatalaga sa Station 5 ng Quezon City Police District (QCPD).

Mahimbing umanong natutulog ang pulis nang barilin siya ng asawang si Josan bandang ala-una ng hapon sa kanilang bahay sa Barangay Batasan.

Ayon sa ulat, madalas umanong naririnig ng mga kapitbahay na nag-aaway ang mag-asawa.

Inubos umano ng babae ang isang magazine ng Uzi sa kanyang asawa na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba't ibang parte ng kanyang katawan, ayon kay QCPD director Chief Superintendent Guillermo Eleazar.

Tila nawala sa sarili naman umano ang babae matapos ang insidente dahil nagsisigaw at naglupasay ito sa kalye habang huhimingi ng tulong matapos ang pagbaril sa sariling asawa.

Nahaharap sa kasong parricide ang asawa ng pulis. —ALG, GMA News