Patay ang isang parking boy at mangangalakal ng basura matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na mga salaring nakamotorsiklo sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali," kinilala ang biktima na si Jon Jon Manawis, na pinaslang sa tapat ng isang kainan sa Maceda Street, Barangay 510.
Makikita sa CCTV na bumulagta si Manawis matapos siyang daanan at pagbabarilin ng mga sakay ng motor.
"Mayroon siyang tama sa dibdib, saka isa sa malapit sa singit niya," ayon kay PO3 Ryanell Mendoza, investigator, MPD Station 4.
Palaisipan pa sa mga kamag-anak ng biktima ang pagpatay kay Manawis.
"Wala naman po siyang naikukuwento sa akin na may kaaway siya o ano man," sabi ni Julieta Manaois, tiyahin ng biktima.
Nang tanungin ang tiyahin kung gumagamit ng droga ang biktima, "'Yan ang hindi ko alam kung gumagamit siya, kaya sinasabihan ko siya bakit ganiyan ang itsura niya," ayon pa kay Manaois.
Natagpuan sa crime scene ang dalawang basyo ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.
Patuloy na iniimbestigahan ang pamamaril.
"Eh sana naman maawa naman siya sa ginawa niya sa pamangkin ko," pakiusap ni Manaois sa mga suspek. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
