Naapektuhan ang klase at pinauwi ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa San Antonio, Zambales nitong Lunes dahil sa natanggap na impormasyon ng alkalde tungkol sa umano’y may planong magsagawa ng mass shooting sa mga eskuwelahan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing galing sa isang nagpakilalang whistleblower at concern citizen, ang ipinadalang babala sa alkalde, tungkol sa umano’y natanggap nitong impormasyon sa planong pamamaril na gagawin ng hindi tukoy na mga tao.
Kaagad na ini-report sa pulisya ang impormasyon at pati na sa mga barangay official, na mabilis na naglagay ng mga tauhan sa mga paaralan. Nagtatag din ng incident command post sa munisipyo bilang paghahanda.
Hindi pa umano matukoy ng awtoridad ang kredibilidad ng impormasyon, at ang pinagmulan ng impormasyon, maging ang pagkakakilanlan ng mga taong magsasagawa umano ng pamamaril.
Patuloy na susuriin ng mga awtoridad ang sitwasyon habang magpapatupad din ng kaukualgn security measures sa para matiyak ang kaligtasan ang mga mag-aaral at mga kawani sa mga paaralan,-- FRJ GMA News
