Hindi nag-aksaya ng oras ang kaibigan ni Alex Eala na si Coco Gauff upang ipakita ang kaniyang lakas at talunin si Jessica Pegula sa dalawang set sa finals ng sa Cincinnati Open, 6-2, 6-4, at itanghal na kampeon sa torneo na ginanap sa Mason, Ohio nitong Linggo.

Ito ang unang titulo ngayong season para sa fourth-seeded at world No. 4 na si Gauff, na nanalo rin sa nasabing torneo noong 2023. Ang naturang tagumpay ang naging daan para makuha niya ang kaniyang unang Grand Slam championship noong 2023 U.S. Open.

Ang naturang panalo rin ang nagbigay din kay Gauff ng kaniyang ika-12 titulo sa kaniyang career.

Matapos mangailangan ng tatlong set upang talunin si Liudmila Samsonova ng Russia sa Round of 64 sa Cincinnati open, dinomina na ni Gauff ang mga sumunod niyang laban. Dahil sa tagumpay, kahanay na niya sina Serena Williams at Victoria Azarenka bilang mga tanging manlalarong babae na nakapagwagi ng higit sa isang titulo sa Cincinnati.

Matapos ang laban, pinuri ni Gauff ang kaniyang kapuwa Amerikanang manlalaro.

"I'd like to thank Jess. When I first came on tour, she was one of the few players that was nice to me," saa ng 22-anyos na si Gauff. "That's always stuck a long way with me and my family. I have so much respect for you."

Inaasinta sana ni Pegula, third-seeded at world No. 3, ang kaniyang ikatlong titulo ngayong 2026. Nauna na siyang nagwagi sa Charleston at Dubai ngayong season, at target din makuha ang kaniyang ika-12 career title.

Matatandaan na nagwakas ang kampanya ni Eala sa Cincinnati Open matapos siyang matalo sa world No. 10 na si Amanda Anisimova, 6-4, 4-6, 2-6, sa Round of 32.

Sunod na makikitang maglalaro sina Pegula at Gauff, maging si Eala sa US Open, at magsisimula ang torneo sa Agosto 30, 2026.

Kamakailan lang, nagpasaya ng fans sina Eala at Gauff sa kanilang ginawang Tiktok video. – Field Level Media/Reuters/FRJ GMA News