Hindi napigilan ng isang lalaki na maiyak nang dakpin siya matapos na mapatay niya sa suntok ang kaniyang kumpare na umawat lang sa kaniyang pagwawala sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing dakong 1:00 a.m. nang makunan sa CCTV camera ng Barangay 152 ang pagwawala ng suspek na si Michael Aparicio sa Laguna Extension sa Tondo.

Kaagad namang inawat sa kaniya ang kumpareng si Edgardo Maliclic, na treasurer ng barangay.

Pero ang pag-awat ni Maliclic, nauwi sa tulakan at umabot sa suntukan.

Hindi nakita sa video ang pagbagsak ni Maliclic na isinugod sa ospital pero binawian din ng buhay.

"Nagwawala, inaaway yata yung biyenan. Lumapit tong treasurer ko, tinulak niya. Siyempre nagalit yung treasurer, 'yon biglang nasuntok," sabi ng punong barangay na si Vicente Rodriguez.

"Talagang every time na nakainom 'yan ganun 'yan, ganun ang ginagawa niyan," dagdag niya.

Nadakip naman ng mga awtoridad si Aparicio na inamin ang nagawa sa biktima.

"Opo, sinuntok ko. Pero nagsuntukan po kami, hindi ko sinasadyan yon sir. Kumpare ko 'yon mahal ko 'yon," umiiyak na sabi ng suspek.

Ayon sa ulat, inaalam kung ano ang eksaktong reklamong isasampa sa suspek habang isasailalim sa autopsy ang biktima.-- FRJ, GMA News