Naghain ng panukalang batas si Senate President Vicente Sotto III na naglalayong ipawalang-bisa na ang Oil Deregulation Law, upang maibalik sa pamahalaan ng Pilipinas ang kapangyarihang magtakda at mag-regulate ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Inihain ni Sotto ang Senate Bill No. 1984 sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East.
“It is high time to give back to the state the authority to manage fuel prices. Now that our petroleum prices are directly impacted by the geopolitical tension in the Middle East, transparency, scrutiny and uniformity in pricing are needed more than ever,” saad sa explanatory note ng panukala.
Sa ilalim ng Republic Act 8479, na kilala bilang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, inalis ang kontrol ng pamahalaan sa pagtakda ng presyo sa mga produktong petrolyo sa layunin na magkaroon ng kompetisyon ang mga oil company, at inaasahan na magpababaan sa presyo ng kanilang mga produkto.
Ngunit bago ito maisabatas, sinabi ni Sotto na ang Energy Regulatory Board ang nagtatakda ng presyo ng mga produktong petrolyo batay sa pandaigdigang presyo ng langis, at resulta sa palitan ng halaga ng pera. Kasabay nito, sasaluhin naman ng Oil Price Stabilization Fund ang magiging pabago-bagong presyo upang maiwasan ang biglaang pagtaas o pagbaba sa presyo.
Samantala, inaprubahan ng Senado nitong Martes sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang suspendihin o mabawasan ang excise tax sa langis sa gitna ng sigalot sa Middle East upang mabawasan ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng emergency powers ang Pangulo kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil ay lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ang pagpapatupad ng suspensyon o pagbawas ng excise tax.
Naaprubahan na rin ng Kamara de Representantes noong Lunes ang kaparehong panukala sa ikatlo at pinal na pagbasa. — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News

