Inihayag ni Eman Bacosa Pacquiao na nagsilbi niyang inspirasyon si Jillian Ward sa kaniyang nakaraang boxing match sa Bohol na siya ang nanalo.
Sa episode ng GMA show na “Unang Hirit” nitong Miyerkoles, sinabi ni Eman na umabot ng apat na round ang laban nila ni Reynold Kundimang ng Indonesia.
Sinabi ni Eman na na-inspire siya dahil sa presensiya ni Jillian.
"Yes po, nakakabigay siya ng lakas ng loob tsaka nakaka-inspire po siya sa akin," ayon sa anak ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
Matapos ang kaniyang laban, kinumusta raw ni Eman ang aktres, na unang beses na manood nang live sa boxing match.
At nang tanungin kung nag-alala rin sa kaniya si Jillian, tugon ni Eman, "sobra."
Matapos ang laban, ikinuwento ni Eman na nagkasama sa isang dinner at nag-bonding ang kanilang mga pamilya ni Jillian.
"Full support po siya sa akin, pati family niya. Pati ako rin po sa kaniya sa pagiging artist niya," sabi niya.
“Nag-bonding po 'yung pamilya namin. Usap-usap po... Nag-dinner po kami, long talk, at saka [we] got to know each other,” ani Eman.
Pag-amin ni Eman, nahihiya pa siya at nininerbyos sa tuwing kasama si Jillian, pero sinabi niyang maayos ang kanilang samahan.
“Close na po kami,” sabi niya.
Nagsimula nang magtaping si Eman para sa kaniyang acting debut sa “Never Say Die,” kasama sina Jillian, David Licauco, Raheel Bhyria, at Kim Ji Soo.
"Nakakakaba po tsaka napaka-exciting kasi iyon po 'yung first acting project ko," ani Eman.
Gayunman, sinabi niyang tuloy pa rin siya sa kaniyang boxing career kasabay ng pagsalang niya sa showbiz.
Pumirma si Eman sa Sparkle GMA Artist Center noong Nobyembre 2025. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
