Trigger warning: Nabanggit sa artikulong ito ang usapin tungkol sa mental health at suicidal ideation.

Nag-abot ng tulong si Kuya Kim Atienza sa isang netizen na may mental health issues.

Sumagot ang Kapuso TV personality sa Threads sa isang netizen na naghahanap ng psychiatrist.

“I DM'd you. Tight hug,” saad ni Kuya Kim.

Tila nagkaroon din sila ng pribadong pag-uusap dahil maya-maya lang ay nagpahayag ng pasasalamat ang netizen kay Kuya Kim, pati na rin sa mga taong nag-iwan ng mga mensahe ng suporta.

“I was about to end my life tonight," saad ng netizen. "Just in time, my phone beeped. And it was Kuya Kim’s message. Sobrang thank you, Kuya! Grabeeee. Naiiyak ako now."

Ayon sa netizen, hindi niya inaasahan na makakatanggap siya ng taos-pusong tugon mula sa mga estranghero, lalo na mula sa isang celebrity na katulad ni Kuya Kim.

“Can’t thank all of you po. Alam nyo, hindi ko naman po in-expect na mapansin ako ni Kuya Kim eh. Di ko rin in-expect na marami akong makukuha na encouragement and advices here,” saad pa ng netizen.

“'Di ko po kayo kilala, pero sobrang thank you po. Ang saya po ng puso ko ngayon,” dagdag niya.

Sa naging tugon ni Kuya Kim, may isa pang netizen ang nagkomento: "Kuya Kim found his new purpose, his new advocacy for his dear Emman."

Patuloy pa ring nagluluksa ang Kapuso host sa pagpanaw ng kaniyang bunsong anak na si Emman, na pumanaw sa murang edad na 19 noong nakaraang Oktubre. Mula noon, isinusulong niya ang kabutihan sa iba bilang pag-alala sa kaniyang anak.

Kamakailan lang, inimbitahan ni Kuya Kim ang isang netizen na manood nang live sa kaniyang show na “TiktoClock.” Ginawa ito ng TV host dahil sa post ng netizen sa Threads na humihingi ng paumanhin sa kaniyang mga magulang at tila kailangan ng tulong.

Matapos na paunlakan ng netizen ang imbitasyon, tinulungan din siya ni Kuya Kim na makapagpakonsulta sa psychiatrist.

Sa isang episode ng podcast nina Liza Diño at Ice Seguerra kamakailan, sinabi ni Kuya Kim na “I’m going to take some classes in counseling because so many people approach me now — people I don't know who are also suicidal or also have a mental health problem."

"I think duon ako dinadala ni Lord. Naging magnet ako sa mga taong nangangailangan ng advice sa mental health," dagdag ni Kuya Kim. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

Kung kailangan ng kausap o may kakilala na nangangangailangan ng kausap, may ilang mental health hotlines na puwedeng tawagan. Kabilang dito ang: DOH-NCMH Hotline: 0917-899-8727 at 02-7989-8727; Natasha Goulbourn Foundation Hopeline: 0917-558-4673, 0918-873-4673, at 02-8804-4673; at In Touch Crisis Line: 0917-800-1123, 0922-893-8944, at 02-8893-7603.