Isang lalaki ang dumulog sa pulisya para madakip ang kaniyang dating karelasyon sa Maynila na nagbanta raw na ipakakalat ang kanilang private video kapag hindi siya nagbigay ng pera.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing naaresto sa inilatag na entrapment operation ang 24-anyos na si James Tibio.
Inaresto si Tibio dahil sa reklamo ng kaniyang 26-anyos na karelasyon na lalaki na nagsabing nagkakilala sila ng suspek sa social media.
"Sabi niya sa akin, kapag hindi ko raw naibigay 'yun [pera] guguluhin daw niya ako, at guguluhin daw niya 'yung pamilya ko," sabi ng biktima.
Nabawi sa suspek ang ginamit na marked money na P3,500 pero hindi raw niya kinikilan ang dating karelasyon.
"Ang sabi ko po, ipapakita ko lang po sa parents niya kung sakaling makita ko po diyan sa bahay nila na hindi niya tumupad sa usapan," anang suspek na mahaharap sa reklamo.
Paalala naman ng pulisya sa publiko, huwag gagawa ng mga bagay lalo na sa social media o saan pa man na bandang huli puwedeng pagsisihan. --FRJ, GMA News
