Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang ipasuri sa binuo niyang anti-corruption body ang kaniyang bank accounts.

Sa kaniyang talumpati sa panunumpa ng mga miyembro ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) nitong Martes ng gabi,  muli ring sinabi ng pangulo na handa siyang magbitiw sa puwesto kapag napatunayan na higit sa P40 milyon ang kaniyang pera sa bangko.

"Ano mang silipin mo sa akin? You want to know my bank accounts? I’ll give it to you, right now. I will give you the authority, honestly, wala kayong makuha," sibi ni Duterte.

"If it exceeds 40 million kasali ko na ang inheritance ko noon...Magsobra diyan, I step down. Sige, kunin ninyo. Hindi ganun kalakas ang loob ko kung may masilip ka sa akin. Hindi ganun kalakas ang loob ko," dagdag niya.

Kasabay nito, pinayuhan ni Duterte ang kaniyang mga kritiko na huwag maghagilap ng ebidensiya mula sa kaniyang mga sinasabi.

"You go to hell. But do not task me to do a thing na para lang maghanap ka ng --- you go into a fishing expedition," sabi niya.

Nang hingan ng komento sa pahayag ng pangulo, sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na hindi kasama sa kanilang mandato ang imbestigahan ang pangulo.

"Our mandate is to investigate and report corrupt presidential appointees and recommend actions to be taken. Not the President," sabi ni Belgica sa GMA News Online.

"He said he is willing to open his account to everyone. Not to his accusers. It's up to the accuser to produce the evidence against his subject," dagdag niya.

Itinatag ang ang PACC sa bisa ng Executive Order 43 na ginawa noong October 2017.

Matatandaan na inakusahan ni Senador Antonio Trillanes IV na nagkaroon umano ng bank transaction si Duterte na umabot sa P2.2 bilyon mula September 2006 hanggang December 2015.

Ilang ulit ding hinamon ni Trillanes ang pangulo na pumirma ng waiver para masuri ang kaniyang bank accounts.— FRJ, GMA News