Wala nang buhay at tadtad ng saksak nang matagpuan ang isang senior citizen at kaniyang kasambahay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay North Fairview, Quezon City. Ang suspek, ang mister ng pamangkin ng senior citizen na biktima.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing natuklasan ng pulisya ang bangkay ng babaeng senior citizen sa kaniyang bahay noong Hunyo 15.
Dagdag ng pulisya, isang dating commissioner ng Bureau of Internal Revenue ang biktima, na nagtamo ng siyam na saksak sa leeg.
Tumambad naman sa isang kwarto ang wala na ring buhay na babaeng kasambahay na nagtamo ng 14 saksak sa leeg.
Lumabas sa imbestigasyon na nawawala ang ilang alahas, tatlong cellphone, at pera ng mga biktima. Naiwan sa pinangyarihan ng krimen ang ginamit na patalim.
Ayon sa pulisya, nireport ng kapitbahay ang masangsang na amoy na nagmumula sa bahay kaya nila ito pinuntahan.
“Pagpasok namin, napag-alaman namin na mayroong dalawang bangkay na puno ng saksak sa leeg. At napag-alaman na tatlong araw na itong nangyari, 'yung pagpatay. Bumuo agad kami ng special investigation team,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Albert Jefferson Relente, commander ng Fairview Police Station.
Nangalap ng mga ebidensya, kabilang ang mga kuha ng CCTV, ang pulisya sa loob ng ilang linggo.
Hunyo 12 ang araw na pinaniniwalaang napatay ang mga biktima, matapos mahagip sa CCTV ang isang lalaki na naglalakad palabas sa subdivision. Ilang saglit pa, sumakay siya ng taxi sa Regalado Highway.
Makaraan ang halos isang oras, nakunan sa CCTV ang lalaki sa tindahan ng damit sa San Jose del Monte, Bulacan.
“Pagbili niya ng damit, agad-agad siyang pumunta sa CR at nagbihis. Nagcheck-in siya sa isang motel ng 3 hours at pagkatapos ng 3 hours sumakay ulit siya ng jeep pabalik ng Novaliches,” sabi ni Relente.
Noong kinagabihan, gumamit ng payment kiosk ang suspek sa isang drugstore sa Novaliches.
Ayon kay Relente, nagpadala ang suspek ng P10,000 na pera sa isang numero.
“Upon follow-up operation namin, napag-alaman namin na itong number ang nagmamay-ari ay ang pamangkin ng senior citizen na biktima. Pinakita namin itong CCTV footage ng suspek natin dito sa pamangkin ng senior citizen na biktima,” sabi ni Relente.
Doon na natukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng 36-anyos sa lalaki, na siyang mister ng pamangkin ng senior citizen na biktima.
“Ang naging motibo nito ay pagnanakaw kasi napag-alaman natin na itong suspek ay naghihirap,” ani Relente.
Kasalukuyang at large ang suspek, na sinampahan ng mga reklamong two counts ng murder and robbery nitong Miyerkoles. —Jamil Santos/AOL GMA News
