Kinumpirma ng isang opisyal ng National Food Authority na nasaid na ang mga bigas nila sa mga bodega sa Metro Manila, at problemado na rin ang suplay ilang lalawigan. Ang ilang mambabatas, nananawagan sa pinuno ng ahensiya na magbitiw.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita nito ang NFA central warehouse sa Visayas Avenue sa Quezon City na wala nang bigas.
Ganito rin umano ang sitwasyon sa NFA Northern District office sa Valenzuela.
Ayon kay Arnel Alfonso, provincial district manager, NFA North District Office, ang mangilan-ngilang sako ng bigas na natitira sa kanila ay nabili na ng Department of Social Welfare and Development.
Nang tanungin kung ano ang implikasyon ng kawalan ng NFA rice, sabi ng opisyal, "Wala po tayong food security."
Maliban sa Metro Manila, nagkakaproblema na rin umano at nagkakaubusan ng panindang NFA rice sa Ilagan City, Isabela,
Mayroon na umanong ilang may-ari ng outlet ng NFA rice na nagsara na dahil wala nang maibentang murang bigas.
Naubos na rin daw ang suplay ng NFA rice sa Virac, Catanduanes, sa Bataan, at Zamboanga city.
Kung may natitira mang suplay ng bigas, nakalaan na umano ito sa DSDW para sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa ulat, nakasaad sa mandato ng NFA, na kailangan mayroon buffer stock o reserbang bigas ang ahensiya na sasapat para tustusan ang pangangailangan ng buong populasyon ng bansa sa loob ng 15 araw.
Kailangan ito para may magamit sa oras ng kalamidad o para pigilan ang pagmamanipula ng presyo ng commercial rice sa merkado.
Sa internal memorandum na nakuha ng GMA News, nakasaad na November 23 pa lang ay nagrekomenda na ang NFA ng mas maagang importasyon ng bigas para sa Metro Manila para sa taong 2018 dahil sa paubos na stocks.
"'Yon yung 'di ko maintindihan. As far as sa level namin we have been doing our job but the problem is yung mga decision makers, especially yung mga rank manager," sabi ni Alfonso.
Ang decision makers na tinutukoy ni Alfonso ay ang NFA Council na nagsabing nais nilang ipa-audit ang naging operasyon ng NFA. Nais nilang malaman na kung paano umabot sa kalagayan na nalimas ang stock ng NFA rice.
"We are not supposed to use the buffer stock for retail operations its really for calamities. Ngayon for areas na naubos na siya we have to find out from management why that happened because that should not happen that is a management problem," sabi ni Assistant Secretary Jonas Soriano, tagapagsalita ni NFA Council Chairman Jun Evasco.
Gayunman, sinasabi ng NFA Council at ng National Economic Development Authority na maliit na bahagi lang ang NFA rice sa buong rice supply ng bansa.
Samantala, muling nanawagan ang ilang senador tulad nina Grace Poe at Bam Aquino na magbitiw na sa puwesto si NFA Administrator Jason Aquino.
“I call for the resignation of NFA Administrator Jason Aquino. If there is indeed a zero percent buffer of rice, this is an indication of the inefficiency of his leadership,” sabi ni Poe sa pahayag.
“The current NFA officials have been remiss in their duties and responsibilities,” dagdag ng mambabatas.
Sinabi naman ni Aquino na napipilitan ang mga mahihirap na bumili ng mas mahal na bigas kahit kaunti ang makain dahil sa kapabayaan ng mga opisyal ng NFA.
“Napipilitan nang magbawas ng kanin ang mga karaniwang Pilipino, at posibleng isang beses kada araw na lang ang paghain nila ng kanin para sa pamilya,” aniya.
“Hinahayaan lang ng NFA na lumaki ang problema na dulot ng kanilang kapalpakan. Dapat lang na palitan na ang NFA administrator at magtakda ng bagong pinuno na may kakayahang solusyunan ito," giit ni Aquino.
Ayon naman kay Sen. Cynthia Villar, chairman ng committee on agriculture and food, naubusan ng bigas ang NFA dahil hindi sinunod ang mungkahi ng komite na bilhin ang bigas ng mga lokal na magsasaka.
“Hindi sila namimili ng rice sa farmers. Supposed to be ‘yun ang mandate nila mamimili sila ng rice sa farmers para ibebenta d’un sa mahihirap nating kababayan dito sa Maynila and they failed to do that,” ani Villar.
Walang pahayag ang administrador ng NFA sa mga batikos laban sa kaniya.-- FRJ, GMA News
