Nalubog sa baha ang isang truck sa Ilagan, Isabela matapos umapaw ang Pinacanauan River. Ang driver, kinailangang i-rescue.
Dahil sa malalakas na pag-ulan, umapaw ang nasabing ilog kaya't binaha ang Baculod Overflow Bridge, ayon sa ulat ni Anjo Pertierra sa Unang Balita nitong Lunes.
Kahit na may warning na na huwag nang tumawid sa tulay na ito, pinilit daw gawin ito ng driver ng truck.
Pero tumirik ang truck habang tumataas pa ang lebel ng tubig baha.
Umakyat na sa bubong ng truck ang driver at humingi ng tulong.
Tumaob pa ang bangka ng dalawang rescuer pero natulungan naman sila ng kasunod na bangka.
Sa Tuguegarao, Cagayan naman, dahil din sa pag-apaw ng Pinacanauan River, halos abutin na ng tubig baha ang kalsada.
Bumagal tuloy ang daloy ng trapiko sa lugar.
Ayon sa PAGASA, ang Amihan o Northeast Monsoon at ang shear line ang nagpaulan sa Cagayan at Isabela nitong mga nakaraang araw. —KG GMA Integrated News

