Dalawang beses umanong nanakawan ang isang lalaki matapos niyang makatulog sa may bangketa ng Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinumpong ng migraine ang biktima kung kaya't uminom siya ng gamot bago bumaba sa sinasakyang UV Express. Dahil sa sobrang tapang ng gamot, bumagsak na lamang siya sa gilid ng bangketa at nakatulog.

Makikita sa kuha ng CCTV na sinubukan pa siyang gisingin ng ilang grupo ng mga rider, subalit hindi nagising ang lalaki.

Isang babae rin ang lumapit sa biktima at nagkunwari umanong kamag-anak ng lalaki. Mapapansing may kinuha ang babae mula sa bulsa ng biktima.

Maya-maya pa, tinangay na ng babae ang cellphone at wallet ng lalaki na naglalaman ng mahigit P10,000. Agad siyang tumakas at sumakay ng jeep patungong Fairview.

"'Yung mga nakita natin diyan na akala natin nagmamalasakit ano, eh hindi naman mga taga-dito 'yan. 'Yung isa nga eh nagagalit-galit pa kunwari 'yung babae eh tapos nakita nga natin na may kinuha," sabi ni Julius Dela Cruz, opisyal ng barangay.

Pagkaraan ng isang oras, isang tricycle driver naman ang nagnakaw mula sa natutulog pa ring biktima.

Kinuha niya ang bag ng lalaki na naglalaman ng cellphone na nagkakahalaga ng mahigit P50,000, iba pang gadgets, at pera.

Nang magising at mapagtantong nanakawan siya, agad na pinablotter ng lalaki sa barangay ang insidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek.

"Doon sa mga nakakakita po ng tricycle at nakakakilala doon sa driver, pati po 'yung tricycle na may number po doon sa harap ng tricycle na F 2017... kung maaari lang po ipagbigay-alam niyo dito sa amin sa Barangay Commonwealth," sabi ni Dela Cruz. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News