Nagbigay ng update si Chanty Videla hinggil sa estado ng kaniyang K-pop group na Lapillus.
“I'll put it straight. Nag-disband na ba Ang Lapillus?” tanong ni Tito Boy kay Chanty sa guesting nila ni Sugar Mercado sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Well, ang hirap pong sagutin kasi hanggang ngayon po talaga, hindi po kami binibigyan ng update ng company. So hanggang ngayon, we're just like literally stagnant and doing our own stuff lang. Floating,” tugon niya.
Sa kabila nito, umaasa si Chanty na magiging mabuti ang desisyon ng kompanyang MLD Entertainment.
“So kung ano man po ‘yung maging conclusion ng company at some point, we're just hoping that it's the best for everyone na lang,” dagdag niya.
Nag-debut sina Chanty, Shana, Yue, Bessie, Seowon, at Haeun noong 2022 sa kanilang kanta na "Hit Ya!"
Nagwagi rin ang Lapillus sa 2023 Asia Artist Awards sa Philippine Arena.
Noon namang Abril 2024, "indefinitely" na lumiban si Chanty sa kaniyang mga aktibidad sa grupo dahil sa pagsubok sa kalusugan.
Pumirma rin si Chanty ng kontrata sa Sparkle noong 2022.
Isa si Chanty sa mga celebrity dance star sa "Stars on the Floor" Season 2, na napanonood sa GMA Network tuwing Linggo ng 7:15 p.m. pagkatapos ng "Bubble Gang." – FRJ GMA Integrated News
