Nasawi ang isang lalaki matapos na pagbabarilin habang nagmamaneho ng sasakyan sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang sasakyan, bumangga pa sa isang establisimyento.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, makikita na pinagtulungan ng rescue team ang driver na mailabas ng sasakyan at dinala sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa isang rumesponde, nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib ang biktima.

Sinabi naman ng kapitan ng barangay na ilang basyo ng bala ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang nagsasagawa ng imbestigasyon at pagtugis sa mga salarin.—FRJ GMA Integrated News