Arestado ang isang dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF matapos nakuhaan ng baril sa Barangay Tapian, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao nitong Huwebes.

 

 

Kinilala ang suspek na si Tato Ebrahim, 43 taong gulang at residente sa nabanggit na barangay.

Ayon kay Police Chief Superintendent Graciano Mijares, regional director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police Regional Office, naaresto ang suspek sa Barangay Tapian matapos siyang silbihan ng search warrant na inisyu ni Judge Bansawan Ibrahim ng Cotabato City Regional Trial Court 12th Judicial Region dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nagresulta ang operasyon ng pagkakakumpiska sa isang kalibre .45 na baril, isang magazine at pitong bala ng kalibre .45.

Si Ebrahim ay dati umanong miyembro ng MILF 105th Base Command.

Sinabi ni Mijares na ang pagkakahuli sa suspek ay resulta ng kanilang kampanya laban sa mga loose firearms sa rehiyon.

Nasa custodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group ng ARMM ang suspek para sa kaukulang disposisyon. —BAP/KG, GMA News