Arestado ang isa umanong holdaper matapos siyang habulin ng kaniyang biniktimang Chinese at mabilis na sumaklolo naman ang mga nagpapatrolyang pulis sa Malate Maynila nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa isang CCTV footage ang paghabol ng Chinese sa lalaking humoldap sa kaniya habang nag-aabang ang kasabwat ng salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Ayon sa biktima, naglalakad siya sa San Marcelino corner Remedios Street sa Malate dakong 10:00 pm nang daanan siya ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Bumaba umano ang nakaangkas na suspek at tinutukan siya ng baril sabay kuha sa kaniyang mamahaling cellphone.
Nang patakas na ang mga suspek, hinabol sila ng dayuhang biktima hanggang sa makita ng nagpa-patrolyang pulis na rumesponde.
"Nu'ng palapit na po ako nakita ko po may baril. Itinutok din sa 'kin kaya pinutukan ko na rin po. Pagputok ko po, sumemplang silang dalawa nu'ng riding in tandem.
Hinabol ko sila at nahuli ko 'yung isang suspek," sabi ni PO1 Chimber Importa, rumespondeng pulis.
Naaresto ang suspek na si Dawin Tapul, habang kinilala ang nakatakas nitong kasama na si Randy Mingaw, na nasa drug watchlist umano ng MPD station 10.
"Notorious itong mga holdaper sa area namin tsaka drug personalities din sila. Karamihan sa mga pinupuntirya nila mga foreigner. Kasi siyempre mga foreigner 'di naman gumagamit ng local na cellphone," sabi ni Chief Inspector Salvador Tangdol, Commander, Paco PCP.
Isang .45 ang nakuha kay Tapul, ngunit itinanggi niyang isa siyang notorious na holdaper. Ayon sa kaniya, sumama lang siya dahil kailangan niya ng pera na pambili ng gamot.
"Wala po. Kahit tanungin niyo 'yung lalaki po, 'di ko tinutukan siya. Wala pong nanutok sa kaniya. Sinama niya lang po ako. 'Di ko naman alam na ganun eh," paliwanag ni Tapul.
Nabawi ng biktima ang kaniyang cellphone ngunit tumanggi na siyang humarap sa camera. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
