Dalawa ang nasawi at anim ang nasugatan nang bumagsak mula sa ginagawang gusali ang isang crane sa Pasay City nitong Martes ng tanghali. Kabilang sa nasawi ang mismong operator ng crane.

Kinilala ni Southern Police District director Chief Superintendent Tomas Apolinario, ang nasawing crane operator ng Monocrete Construction na si Jonathan Diserdo, 32-anyos.

Samantala, hindi batid ang pangalan ng isa pang nasawi na isa ring lalaki.

Kinilala naman ang mga nasugatan na sina:

Kumbo Mabinay, 24, security guard sa construction site;

Jay Ballon, 29, security guard;
Francisco Angcatan, 59, crane erector;
Melvin Yosores, 28, crane erector;
Elmer Sedol, 46, crane erector; at
Chinese national na si Liu Shen Xiu, 30

Dinala sila sa San Juan de Dios hospital.

Sa paunang ulat, sinabing ginagawa ang STI Academic Center na nasa EDSA corner P. Celle Street, nang bumagsak ang  tower crane at tumama sa Core Town building.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng crane pero sa inisyal na ulat ay sinabing bumaba ang pressure sa hydraulic cylinder nito.—FRJ, GMA News