Nadagdagan pa ang hinanakit ng pamilya ng isang batang nabaril at napatay ng isang pulis sa Tondo, Maynila nang malaman nilang tinanggalan ng kidney o bato ang biktima sa ospital nang hindi nila nalalaman.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni Michelle Pineda na nakaburol na ang kaniyang nasawing anak na si Aldrinne nang ibalik ng Tondo Medical Center ang umano'y kidney ng kaniyang anak na inilagay sa garapon.
Aminado si Michelle na hindi na nila malaman kung iyon talaga ang bato ng kaniyang anak o pinalitan na.
Namatay si Aldrinne noong Marso 2 nang mabaril at mapatay ni Police Officer 2 Omar Malinao habang naglalaro ang biktima sa isang slaughter house sa Vitas sa Tondo.
Sinasabing agaw-buhay umano ang kaniyang anak nang inalisin ng doktor ang kidney ng biktima kahit wala silang pahintulot.
Kuwento ni Michelle, binanggit sa kaniya ng doktor na tinamaan ng bala ang kidney ng kaniyang anak nang mabaril.
Sa medical abstract na nakuha ng pamilya mula sa ospital, nakasaad na ang ikinamatay ng bata ay Grade 5 hepatic injury at bilateral Grade 5 kidney injury secondary to multiple gunshot wounds.
Nailibing na ang bata at isinama sa kaniyang ataol ang kidney na nakalagay sa garapon.
Bago nito, nagsagawa ng pagsusuri ang medico legal ng Commission on Human Rights o CHR sa labi ng bata at kinuwestiyon nila kung bakit inalis nang basta-basta ang bato ng biktima nang hindi nalalaman ng mga magulang.
Ayon sa ulat, sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng Tondo Medical Center.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng CHR sa pag-alis ng kidney ng bata habang nagsumite na sila ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Malinao.-- FRJ, GMA News
