Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol na naabutan ng kaniyang ina nakabigti sa duyan na gawa sa nylon sa Tondo, Maynila. Ayon sa ina, sandali niyang iniwan ang anak para mangutang para mayroon silang maisasaing.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing umaga noong Lunes nang iwan ni Rosalinda Abreu ang isang-taong-gulang na anak na si Rovilyn sa kanilang bahay sa Baseco compound sa Tondo upang maghanap ng mahihiraman ng pagbili nila ng pagkain.

Ibinilin daw ni Abreu ang anak sa dalawa pa niyang batang anak.

Pero pagbalik niya, naabutan na lang niyang nakabitin na sa duyan ang biktima at nasakal ng nylon.

Dahil sa pagkabigla at kawalan ng pera, hindi rin niya kaagad naisugod sa ospital ang bata. Ang nang madala sa pagamutan, doon na ito idineklara na wala na itong buhay.

Ayon sa pulisya, maaaring bumalikwas ang sanggol at lumusot ang ulo nito sa awang ng duyan kaya nasakal ang biktima.

Nakaburol ngayon ang mga labi ng biktima at hindi pa masabi ng pamilya kung kailan maililibing ang bata dahil pa rin sa kakapusan nila sa pinansiyal.-- FRJ, GMA News