Patay ang dalawang lalaking sangkot umano sa iligal na droga sa isang operasyong isinagawa ng mga pulis sa Novaliches, Quezon City noong Biyernes.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa 24 Oras nitong Lunes, kinilala ang mga nabaril na suspek na sina alyas Michael at amo niyang si Amado Millete.

Nagkaabutan na raw ng droga ang asset ng pulisya at ang umano'y kilalang tulak ng droga sa Geronimo Compound, Barangay Sta. Monica nang makitaan ang suspek ng baril.

Agad na rumisponde ang mga back-up na pulis at nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig.

"Nakilala niya ang poseur-buyer natin, pinutukan niya. Buti na lang hindi tinamaan 'yung tropa," sabi ni Police Superintendent Carlito Grijaldo, station commander ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.

Narekober sa tabi ni Michael ang isang kalibre .45 na baril at dalawang magasin na ubos na ang bala samantalang isang kalibre .38 na baril naman ang nakuha sa tabi ni Amado.

"Bale sila 'yung binabagsakan ng droga nung grupo nung alyas Tatay tapos base na rin sa nakalap naming impormasyon at validation sa kanila eh mga armado talaga sila, at least handa silang makipagsabayan kung sakaling tatrabahuhin sila lalo na namin," sabi ni Police Senior Inspector Dennis Francisco ng QCPD Station 4.

Bukod sa mga armas, nakuha rin sa lugar ang mga basyo ng bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa halos P30,000 ang halaga.

Narekober din ang 18 pang sachet sa iba't-ibang lugar ng compound.

Ang mga kamag-anak ng mga suspek, sinubukan pang pigilan ang pagdala sa bangkay nina Michael at Amado subalit wala rin silang nagawa.

Tumanggi rin silang magbigay ng pahayag ukol sa nangyaring insidente. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News