Nasawi ang isang 83-anyos na babae matapos mabundol ng isang SUV habang tumatawid sa kalsada sa Barangay Guiguilonen, Mangaldan, Pangasinan nitong madaling araw ng Linggo, Mayo 17.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera na naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktimang residente sa naturang barangay.

Patawid na sana siya nang mabangga siya ng paparating na SUV.

Kaagad na rumesponde ang mga awtoridad at isinugod sa ospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano ang SUV sa isang tricycle at hindi niya kaagad napansin ang tumatawid na biktima.

Ayon kay Police Lt.Col. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station, malakas ang pagkakabangga sa biktima base sa kuha ng CCTV.

Samantala, ikinuwento ng mga kaanak ng biktima na maagang nagising ang biktima at hindi nila namalayang lumabas ito ng bahay.

Hinala nila, bibili lang ng kape sa tindahan ang biktima.

Hindi na nagsampa ng reklamo ang mga kaanak ng biktima laban sa driver ng SUV dahil nangakong magbibigay ng tulong pinansyal, at inako na rin ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa biktima. – FRJ GMA News