Inirereklamo ngayon ang isang titser at kapatid niyang lalaki dahil sa umano'y pang-aabuso sa pitong estudyante sa Orani, Bataan.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa Unang Balita nitong Martes, seksuwal at pisikal na pang-aabuso umano ang ginawa ng guro at kapatid nitong lalaki na hindi muna pinapangalanan ng mga awtoridad.
Isa umano sa mga lalaking estudyante ang pinalunok ng butones at pilit na pinapadumi sa loob ng classroom.
Kuwento ng mga estudyante, madalas na dumadalaw sa paaralan ang kapatid na lalaki ng guro at kapag nakapasok sa classroom ay ikinakandado na ng titser ang pinto.
Ginagawan umano ng lalaking suspek ng kahalayan ang mga batang babae sa loob mismo ng classroom.
Nalaman lamang nitong Marso ng mga magulang ang tungkol sa pang-aabuso, matapos marinig ng isa sa mga nanay ang kuwentuhan ng mga bata sa insidente.
Isa sa mga ina ng mga bata ang naging masyadong emosyonal habang ikinukuwento ang umano'y pang-aabusong inabot ng anak.
"Tinali daw po 'yung kamay niya, nilagyan ng tape. Nandoon daw po siya (suspek), itinaas-baba daw po siya. Tapos habang ginagawa daw po sa kaniya 'yun, tawa lang daw nang tawa 'yung teacher niya," ayon sa ginang.
Hindi humarap sa camera ang principal ng paaralan, na wala rin daw alam sa nangyari.
Tumanggi rin na magpaunlak ang inirereklamong titser ngunit mariin niyang itinanggi ang mga akusasyon.
Giit ng titser, malinis ang kaniyang record sa tatlong dekada niyang pagtuturo.
Sa ulat sa 24 Oras nitong Martes ng gabi, nakasuhan na raw ang guro ng child at ang kapatid nito ng paglabag sa Anti-Rape Law.
Nanawagan din ang hepe ng women and children's desk ng lokal na pulisya sa mga nahaharap sa kaparehong sitwasyon: "Madali po nilang dapat make-kuwento sa mga magulang nila para ma-aksyunan agad." — ALG, GMA News
