Kinuhanan ng mug shot at finger prints si Mark "Macmac" Cardona, ang dating tinawag na Captain Hook sa PBA para sa mga reklamong attempted homicide at paglabag sa Anti-violence Against Women and Their Children Act na inihain ng kanyang ex-girlfriend na si Bianca Nicole Jackes.

Umaga nitong Sabado nang dakpin ng mga pulis si Cardona matapos umanong saksakin sa braso si Jackes.

Base sa imbestigasyon, pumunta si Cardona sa condo ni Jackes at nakikipagbalikan pero tumanggi ang biktima.

Dalawang taon na raw hiwalay sina Cardona at Jackes.

"Nagsabi si Cardona na sasaksakin niya sarili niya kung 'di siya makikipagbalikan. Inawat ng babae so nu'ng pag-awat, siya 'yung sinaksak ni Macmac Cardona," ayon kay Chief Insp. Roman Salazar ng Makati Police sa ulat ni Oscar Oida sa "State of the Nation" nitong Lunes.

Ayon sa mga tiyahin ng biktima, nagpapagaling pa ng ospital si Bianca, na desidido raw magsampa ng kaso.

Nalulungkot sila dahil siguradong maaapektuhan ang dalawang anak ng dating magkasintahan.

"'Yung mga anak iyak ng iyak eh nung nakita 'yung daddy nila sa TV," ayon kay Remy Roselo, tiyahin ng biktima.

"Ginagawan namin ng paraan na sana magkaayos din alang-alang sa mga bata," dagdag pa ni Juliette Sun, isa pang tiyahin ng biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag si Cardona. —JST, GMA News