Umabot na sa anim ang naitalang patay sa sunog ng isang lumang residential building sa Barangay Tambo, Parañaque City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Bahay na Bato, nang masunog ang isang luma at abandonadong gusali na tinirahan ng informal settlers, pasado 6 p.m.
Unang naiulat na lima ang natagpuang patay habang isa ay nawawala at hinahanap pa.
Labis ang hinagpis ng mga kaanak ng mga nasawi nang ilabas na ang bankay ng mga biktima.
Ayon sa ulat, posibleng na-suffocate sina Marie Joy de Jesus, mga anak niyang sina Jomarie at Daniel Luis Canaria, at si Ana Dona Agrasada at mga anak niyang sina Jake at Jake Angelo Amata.
Tinatayang nasa edad tatlo hanggang 26 ang mga nasawi sa sunog.
Sa panayam ng mga bumbero sa mga saksi, nagmula ang apoy sa lugar ng mga Agrasada.
"Based sa ating mga witness nakatira sila sa second floor kung saan nag-start ang ating fire. And then bumagsak na po 'yung flooring so na-recover namin 'yung mga dead bodies sa ground flr na lang po. At sama-sama naman po sila roon. Beyond recognition po lahat ng ating fatalities," sabi ni Sr. Insp. Wilson Tana, chief, arson investigator, Parañaque.
"Allegedly nag-umpisa ito sa bata na naglalaro gamit ng matchsticks," pahayag ni Supt. Robert Pacis, fire marshall ng Parañaque.
Walang tigil ang iyak ni Mary Beth Antier na kaanak ng mga biktima habang hinihintay ang labi ng mga nasawi.
"Kasi nasa ilalim na nag-umpisa 'yung ano e. Nakulong na po sila," sabi ni Antier.
Umabot ng halos apat na oras bago naapula ang apoy, dahil walang madaanan ang mga bumbero.
Tinatayang nasa 50 pamilya ang nasunugan at aabot sa P50,000 ang halaga ng nasunog na ari-arian.
"Dapat alam mo 'yung exits in case ng fire emergency. At the same time in case na mausok dapat gumapang ka palabas hindi 'yung patayo kasi mayroon pang naiiwan na hangin na one foot below the ground, above the ground ang ating hangin," paalala ni Pacis sa publiko. —Jamil Santos/LBG, GMA News
