Isang tsuper ng jeepney ang nakaranas ng seizure habang nakapila para sa P5,000 ayuda na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City.
Sa ulat ni Joseph Morong nitong Miyerkules sa “24 Oras,” tinulungan siya ng kapwa niya mga tsuper sa pamamagitan ng pagpaypay at pagbuhos ng tubig.
Isang responder ang nagsagawa rin ng CPR sa tsuper bago siya dinala sa Quezon City General Hospital.
Nakaranas umano ang tsuper ng electrolyte imbalance dahil sa gutom.
Bukod sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo, may dagdag pang problema ang ilang tsuper ng jeepney dahil hindi kasama ang pangalan nila sa listahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Karamihan sa mga tsuper na nakapila para sa ayuda sa Quezon City ay bumibiyahe sa rutang Lagro-Cubao. Humingi sila ng paumanhin sa mga pasaherong na-stranded sa Commonwealth Avenue at sinabing kailangan na kailangan nila ang ayuda.
“Napakahalaga po nu’n dahil sa hirap ng biyahe. Wala kaming kinikita. Dalawang araw lang po na karga. [Pag naubos], 'yun ang problema kung saan kami kukuha,” ayon sa jeepney driver na si Remegion Quitay.
Ang tsuper na si Juvy Bongolto, dumiretso na agad sa pagkuha ng ayuda matapos ma-discharge mula sa ospital dahil sa ikalawang stroke.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na pupunta ang ahensya sa mga tanggapan ng LTFRB sa bawat lokal na pamahalaan. Makikipag-ugnayan umano sila sa mga operator ng jeep at mga samahan ng tsuper upang matukoy ang mga hindi naisama sa listahan.
Naghahanda rin ang DSWD para sa ikalawang bugso ng pamamahagi ng ayuda sakaling magpatuloy ang kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Gatchalian, tinatayang aabot sa P7 bilyon ang gugugulin ng DSWD para sa isang bigayan ng ayuda sa buong bansa. – FRJ GMA Integrated News
