Muling makakasama ni Dingdong Dantes sina Paolo Contis at Polo Ravales sa upcoming Kapuso action series na "Master Cutter."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Paolo na hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto at makasama muli ang Kapuso Primetime King.

"Finally. Matagal kaming nagpahinga sa primetime. I was doing movies for the past year, a year and a half, so ngayon nagkaroon ng pagkakataon makatrabaho si Mr. Dantes, so of course, you grab the chance," sabi ng aktor.

Si Paolo ang magiging kontrabida sa naturang proyekto na pagbibidahan ni Dingdong.

"Na-miss ko 'yung pagiging kontrabida actually. For longest time, ako ang nagbi-villain kay Dingdong sa 'Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang,' 'Alyas Robin Hood,'" kuwento niya.

"Actually nagti-training kami ni Dingdong. Sabi namin, 'ang tanda na natin, bakit ba natin ginagawa ito?'" natatawang sabi ni Paolo. "I’m very confident na maaksidente man ako sa kaniya, maaksidente man niya 'ko, walang initan ng ulo."

Makakasama rin ni Dingdong sa "Master Cutter" ang dating "TGIS" co-star na si Polo Ravales.

"You know, sobrang sarap ng feeling kasi 'yung bida ng 'Master Cutter,' Dingdong Dantes is a friend, 'di ba? Kumbaga kasama ko siya, like nung nagsimula kami, siya talaga iyong nakasama ko," ani Polo.  

Kasama rin sa "Master Cutter" sina Max Collins, Kapuso child star Sienna Steves, Rio Locsin, Tonton Gutierrez, Jo Berry, Max Eigenmann, at Ketchup Eusebio.

Pati na ang mga Sparkle star na sin Shuvee Etrata, Anthony Constantino, Prince Carlos, at Charlie Fleming.

Mapapanood ang "Master Cutter" sa Netflix simula sa April 17, at April 20 naman magsisimula sa GMA Primetime. —FRJ GMA Integrated News