Papasukin na rin ng anak ni Sheryl Cruz na si Ashley Nicole ang showbiz gamit ang pangalang Nicole Sonora.
Ang kaniyang guesting sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkoles ang nagsilbing first guest appearance ni Nicole kasama ang kaniyang ina, at ikinuwento nila ang tungkol sa kaniyang desisyon na sumabak sa acting.
Nagtapos si Nicole bilang summa cum laude mula sa San Francisco State University noong 2023.
Ayon sa kaniya, hilig talaga niya ang pagtatanghal mula pa sa pagkabata.
"Honestly, acting, story and creation, since preschool po I've always always wanted to be an actor," sabi ni Nicole.
Ayon pa sa 24-anyos na anak ni Sheryl, nahikayat siyang magtuloy sa acting ng isang college professor na nakitaan siya ng potensiyal at hinikayat siyang pagbutihin pa ang kaniyang talento.
"I didn't think it would be my career path at first, not until towards the end of college, when a professor told me, 'You have potential. You should try to enhance it," sabi niya, kaya nagbago ang kaniyang desisyon.
"So since then, parang namulat ako na ah parang kaya pala 'to. Kasi that person who is saying it is somebody na sa America pa 'to," ani Nicole.
"So they don't know, wala silang paki sa family ko kasi walang bias so parang 'Ah OK. If you see something in me, then maybe I can trust in myself more," dagdag pa niya.
Para naman kay Sheryl, parehong may pagmamalaki at pangamba ang mapanood ang kaniyang anak na pumasok sa kaparehong industriya.
Pag-amin niya, nag-alinlangan pa siya noong una tungkol sa pagpasok ni Nicole sa showbiz.
"At first, like any other parent, showbiz is very hard. But I cannot take that away from her because it's in her blood," sabi ni Sheryl.
Gayunman, kampante siya na magiging sandigan ni Nicole ang edukasyon nito sa pagpupursigi nito sa kaniyang sining.
"I know she will have something to fall back on because tapos naman na siya ng kaniyang pag-aaral, but of course hindi ko pwede sa kaniyang ipagkait itong passion to pursue what is in her blood which is acting, and the love of singing and creation because she's also a talented writer," sabi ni Sheryl.
Nagbigay si Sheryl ng madamdaming payo sa anak na manatiling nakatapak sa lupa sa gitna ng pressure sa industriya.
"I wish you well in your showbiz endeavors and please don't lose your moral compass," sabi ni Sheryl sa anak, na hinikayat pa itong yakapin ang mga highs at lows ng showbiz.
"I want her to have the time of her life here in show business. For whatever happens, if it's a roller coaster ride of emotions, then I just want her to enjoy the ride and know herself better than anyone else," ayon sa veteran actress.
Bahagi si Sheryl ng "Born To Shine," na pinagbibidahan nina Zephanie at Michael Sager. Napanonood ito tuwing Lunes hanggang Sabado sa GMA Afternoon Prime ng 2:30 p.m. pagkatapos ng "It's Showtime."-- Jade Yap/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
