Walang indikasyon ng foul play sa pagkamatay ng Grade 9 na estudyante na naunang naiulat na nawawala at kinalaunan ay nakita ang bangkay sa isang liblib na lugar sa Pasig City, ayon sa pulisya nitong Huwebes.
Sa isang press briefing, sinabi ng Pasig City Police na walang nakikitang nangyaring krimen sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng dalagita, batay sa isinagawang imbestigasyon.
“As established by the recovered evidence, corroborated by the statement of her friends and classmates, and further reports supported by the letters she sent to them, which contain indications of a farewell or goodbye message,” ayon kay Pasig's assistant chief of police for operations Police Major Loreto Tigno.
“Furthermore, the autopsy revealed no sign of foul play,” dagdag niya.
Ayon sa pulisya, huling nakita ang 15-anyos na dalagita noong Marso 18 na pumapasok sa isang mall sa Marikina. Kasunod nito, naglakad siya patungo sa madilim na bahagi ng isang bakanteng lote sa loob ng compound ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa Santolan.
Mag-isa siya at walang sumusunod sa kaniya, ayon sa pulisya.
Matapos maiulat na nawawala noong Marso 19, natagpuan ang kaniyang mga labi noong Marso 23 sa isang liblib na lugar malapit sa compound kasunod ang isinagawang ocular inspection.
Nabanggit din ng pulisya na may narekober na isang bagay na ginamit ng estudyante bago ang kaniyang pagkamatay sa lugar ng insidente. Binili umano ng estudyante ang gamit bago mangyari ang insidente.
Dumalo ang ama ng dalagita sa press briefing at hinikayat ang publiko na itigil ang pagpuna sa mga awtoridad dahil, ayon sa kaniya, kaagad na tumugon ang pulisya sa kaso ng kaniyang anak.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
May mga mental health hotlines at serbisyo sa Pilipinas na maaaring tawagab. Kabilang dito ang:
DOH-NCMH Hotline: 0917-899-8727 at 02-7989-8727;
Natasha Goulbourn Foundation Hopeline: 0917-558-4673, 0918-873-4673, at 02-8804-4673;
In Touch Crisis Line: 0917-800-1123, 0922-893-8944, at 02-8893-7603.

