Patay ang dalawang hinhinalang holdaper matapos makaengkwentro ng mga pulis sa Intramuros, Maynila kaninang madaling araw.

Dead on the spot ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Ayon kay MPD-CIDG Chief Niño Briones, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng MPD Station 5 sa bahagi ng Anda Circle nang umiwas ang tatlong nakamotorsiklong lalaki.

Hinabol ito ng mga pulis at pagsapit sa Plaza Gomburza ay nagpaputok ng baril ang mga suspek dahilan upang gumanti ang mga pulis.

Dead on the spot ang dalawa sa mga suspek habang nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan.

Bago ang insidente, may hinoldap daw ang mga suspek sa kanto ng Mabini street at U.N. Avenue bandang ala una ng madaling araw.

Positibo namang kinilala ng mga biktima ang napatay na suspek kung saan narekober sa kanila ang bag na tinangay nito. — BAP, GMA News