Itinuturing aksidente sa inisyal na imbestigasyon ang pagbagsak ng itinatayong flyover ng JBL Construction nitong Sabado sa Imus City, Cavite.
Paliwanag ni Jong Llubid, project manager ng JBL Construction, sa ulat ni Mav Gonzales sa Unang Balita nitong Lunes, na aksidente raw ang nangyari na pagbagsak ng anim na girder sa binubuong tulay.
"Sumabit sa dowell, and then nung sumabit, tumagilid 'yung girder natin. Pagtagilid, mahirap na kasing bawiin 'yun ng crane, mababali na siya," ayon kay Llubid.
LOOK: Sarado pa rin sa mga motorista ang intersection ng Aguinaldo Highway at Daang Hari Road matapos bumagsak ang mga girder ng itinatayong flyover sa lugar. Kuha ngayong umaga ni YouScooper Engr. Rey Mame. pic.twitter.com/mMJtSXRxDu
— YouScoop (@YouScoop) May 20, 2018
Sinang-ayunan ito ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, na nagsabing human error ang dahilan ng pagkakamali sa pag-launch ng girder.
Nagdulot ng P15 milyon na pinsala ang aksidente ngunit hindi pa raw masabi ni Imus Mayor Emmanuel Maliksi kung ano ang magiging pananagutan ng JBL Construction hanggang matapos ang imbestigasyon.
Pinangunahan nang sabihin ng JBL Construction na pananagutan nila ang nangyaring aksidente, na hindi raw makakaapekto sa target completion date ng proyekto.
Sinimulan noong 2016 ang flyover upang maibsan ang trapik sa Aguinaldo-Daang Hari intersection. Nagkakahalaga ito ng P350 milyon. —Rie Takumi/KG, GMA News
