Bukod sa mahigit 40 gramo ng shabu at P21,000 na pera, ilang mga LED TV, DVD players, cellphones at mga matutulis na bagay din ang tumambad kay Bureau of Corrections Chief Ronald "Bato" dela Rosa nang mag-inspeksyon ang ahensiya sa super maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Mark Salazar sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing sanib-puwersa ang BuCor at ang PNP Special Action Force sa kanilang inspeksyon sa Building 14, kung saan samu't saring mga kontrabando ang nakumpiska tulad ng mga speaker, patalim, arnis, martilyo, lagare, pati mga ice pick at screw drivers.

Nasa Building 14 ang ilang high-profile at high-risk inmates.

Hindi natuwa si Dela Rosa sa mga gramo ng shabu at pera mula sa iba't ibang kubol.

"Kasi kung may makukuha pang kontrabando hindi ko lang alam kung saan kayo dalhin. I-maximum, ibartolina kayo, walang epekto... Du'n ko na kayo siguro dalhin sa Building Zero no? Building Zero. Nasaan 'yung Building Zero?" sabi ni dela Rosa.

"Nandoon sa sementeryo. Nandoon ang Building Zero. Doon ko na lang kayo dadalhin kung may mahuli pa ako ditong kontrabando. Tawa-tawa kayo pero I'm serious," dagdag ng BuCor chief.

Hiniling ng mga preso na payagan ang kanilang mga asawa at mga kaanak na bisitahin sila, ngunit nanindigan si Dela Rosa na mahigpit ang mga patakaran sa Bilibid.

Aminado si dela Rosa na mahirap pigilan ang pagpasok ng droga sa kulungan. — Jamil Santos/MDM, GMA News