Matapos humimas ng baril sa beerhouse, rehas na bakal naman ang hahawakan ng isang empleyado ng Manila City Hall matapos siyang mahuli ng mga awtoridad na pinaglalaruan umano ang kaniyang baril sa loob ng nabanggit na establisimyento sa Maynila.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Rodelio Reyes, na natiyempuhan ng mga pulis na nasasagawa ng Oplan Bakal habang pinaglalaruan nito ang kaniyang baril.
Bukod sa baril, nakuha rin kay Reyes ang limang bala.
Lisensyado naman ang baril ni Reyes at mayroong permit to carry. Ngunit maaari umano itong bawiin kung mapapatunayang may paglabag siya, ayon sa mga pulis.
Depensa naman ng suspek, may limang taga-Manila traffic and Parking Bureau ang nambu-bully sa kaniya sa loob ng beerhouse kaya niya inilabas ang baril.
Mahaharap ang suspek sa reklamong alarm and scandal. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
