"Walanghiya ka, pitong buwan mo akong pinarusahan!"

Nanginginig sa galit ang biktima ng hacking at robbery extortion habang kinokompronta ang umano'y mastermind ng grupo na sarili pala niyang pinsan!

Sa ulat ni John Consulta sa Unang Hirit ngayong Huwebes, nasundan ng NBI special action unit ang suspek at kaniyang mga kasabwat habang wini-withdraw sa isang padala center ang perang pinadala ng biktima.

Sumbong ng biktima, November 2017 nang ma-hack ang kaniyang Facebook account ng isang nagpakilalang si Roseanne at pinagbantaan na ikakalat ang kaniyang nude pics na naka-save sa Facebook account.

Mula noon, maya't maya na raw nanghihingi sa kaniya ng pera ang suspek.

'Di na nagbigay ng pahayag ang suspek.

Kinasuhan na ng robbery with intimidation, paglabag sa cybercrime prevention act at child abuse ang mga suspek. —JST, GMA News