Nasagip ng mga awtoridad maaga nitong Biyernes ang 19 na kababaihan na umano'y ibinubugaw sa isang KTV bar sa Maynila.
Iniulat ng "Unang Balita" na isinagawa ang operasyon ng mga pulis sa isang bar sa kahabaan ng Maceda St. sa Maynila pasado alas-dose ng hatinggabi.
Hinala ng mga pulis, lima sa mga na-rescue ay mga menor de edad at dalawa sa mga ito ay mga estudyante.
Pahayag ng hepe ng Manila Police Anti-Trafficking in Person Division, isang NGO ang nag-tip sa mga pulis sa umano'y pambubugaw sa naturang KTV Bar.
Agad na isinailalim sa surveillance ang naturang KTV Bar at sa operasyon, isang poseur customer ang nagbayad upang makakuha ng babae.
Matapos magkabayaran, agad na inaresto ang limang suspek, kasama na ang may-ari ng bar.
Matapos umano maproseso ang mga na-rescue, dadalhin sila sa isang shelter at yung limang hinhinalang mga menor de edad ay dadalhin sa tanggapan ng DSWD.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Law (R.A. 9231) ang mga suspek. —LBG, GMA News
