Naaresto ang dalawa umanong supplier ng marijuana sa isang followup operation ng mga tauhan ng drug enforcement unit ng Quezon City Police District Station 7 at mga pulis-Pasig.
Mga estudyante umano ang mga parokyano ng mga suspek.
Sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Biyernes, aabot sa P40,000 halaha ng marijuana ang nabili ng mga operatiba sa mga target na sila Julius "Jhenn" Ilagan at Jayson Proda sa Barangay Bambang, Pasig City pasado alas-dos ng madaling-araw.
Tumambad ang mga plastic ng marijuana at kush, o high-grade marijuana, na aabot sa walong kilo at nagkakahalaga ng P300,000.
Nakuha rin ang pinaniniwalaang drug money na nagkakahalaga ng P22,000.
Sila ang mga itinurong supplier ng marijuana at kush ng dalawang estudyante na una nang naaresto sa isinagawang buy-bust operation kagabi sa Cubao, Quezon City.
Nabili ang P500 halaga ng marijuana ng estudyanteng si Michael Dantic at kasamahan niyang 17-anyos.
Nasabat ang anim na plastic na may lamang kush at isang sachet ng marijuana na may P9,000 street value.
Pahayag ng mga pulis, nagbebenta online ng iligal na droga ang mga estudyante.
Ang nahuling menor de edad ay itu-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasalukuyang nagsasagawa ng press conference sa QCPD si Chief Superintendent Joselito Esquivel kaugnay sa pagkakaaresto sa dalawa umamong supplier ng ilegal na droga. —Maia Tria/LBG, GMA News
