Binawi ng pork barrel scam whistle-blower na si Marina Sula ang kaniyang testimonya laban sa nakadetineng si dating senador na si Ramon Bong Revilla Jr.
Sa paglilitis ng Sandiganbayan First Division nitong Huwebes sa kaso ni Revilla, sinabi ni Sula na idiniin lang niya noon ang dating senador dahil sa turo umano ng prosekusyon para suportahan ang pahayag ng kapwa niya whistle-blower na si Benhur Luy.
Sa naturang paglilitis, tinanong ng abogado ni Revilla na si Atty. Reody Anthony Balisi, si Sula kung alam ng dating senador ang ipatutupad na proyekto na pinondohan umano ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Pag-amin ni Sula, hindi niya nakaharap si Revilla sa panahon na nagtatrabaho siya sa JLN Corporation. Pero inamin niya na siya ang namahala sa mga dokumento kaugnay ng pekeng foundation na Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation, Inc.
Itinuro niya si Luy na may pakana umano sa ginayang pirma ni Revilla sa sulat na nag-iendorso sa mga foundation na popontahan ng PDAF na iniuugnay sa umano'y utak ng scam na si Janet Lim Napoles.
Sabi ni Sula, nasa tatlong sulat ang nakita niyang pineke ni Luy ang pirma.
"Si Benhur, siya yung mahusay pumira ng lawmakers at siya yung nakikita kong pumipirma para sa lawmakers. Wala pong alam si Senator Revilla sa paggawa po ng endorsement letters," pahayag niya.
Nang tanungin ni Balisi si Sula kung bakit binawi niya ang pahayag laban kay Revilla, paliwanag niya, "Sinabihan kasi ako ng panel [ng prosecutor] na mag-corroborate sa sinabi ni Benhur kasi si Benhur ang nauna sa bail hearings. Mayroon po siyang mga sinasabi na para sa akin hindi totoo."
Sa pagtatanong ni Associate Justice Geraldine Faith Econg kung sino ang tinutukoy ni Sula sa prosekusyon, binanggit niya ang noon'y Special Prosecutor Director na si Joefferson Toribio, na hukom na ngayon sa Tarlac.
"Ang sabi ni director magiging conflciting sa sinabi ni Benhur na ini-email muna [ang endorsement letters]. Pero hindi naman ini-email kasi ginagawa sa office ang document," paliwanag ni Sula.
Pinaalalahanan naman ni Associate Justice Edgardo Caldona si Sula na maaaring maalis siya sa Witness Protection Program dahil sa pagbawi ng kaniyang testimonya. Samantalang tinanong muli ni Econg kung bakit ngayon lang niya sinabi ang kaniyang mga pahayag kung kailan matatapos na sila sa pagdinig.
Dito na naging emosyonal si Sula, "Ngayon lang po lumuwag ang loob ko. Noon kasi pigil na pigil lahat. Pero nung nabasa ko yung [transcript of stenographic notes], mayroon po siyang mga maling sinabi."
Ayon kay Deputy Special Prosecutor Manuel Soriano, alam na nila ang gagawing pagbawi ni Sula ng testimonya pero umasa sila na magbabago ito ang isip.
Gayunman, kompiyansa si Soriano na hindi magbabago ang tibay ng kanilang kaso laban kay Revilla.
"In so far as we are concerned, hindi pa naman kasi intact pa naman ang testimony ni Benhur, hindi naman niya sinabi na totally mali ang testimony ni Benhur,” ayon kay Soriano.
Hinihinala niya, baka natakot si Sula sa mga kinakaharap din nitong kaso tulad ng reklamo na mula Anti-Money Laundering Council.
“Nagkaroon kasi ng mga cases na na-file sa kanya, kasi ang immunity nila per case lang, per legislator so siguro may mga nakalusot na hindi pa siya nakakuha ng immunity at na-charge siya,” saad niya.
Sinabi pa ni Soriano na tumestigo pa rin naman si Sula laban sa dating tauhan ni Revilla na si Atty. Richard Cambe, na pumirma sa memorandum of agreements para sa dating senador at sa foundations umano ni Napoles.
“Inamin naman niya na si Cambe ang pumipirma ng MOA, 'di ba? Eh si Cambe is a trusted staff ni Sen. Revilla. Bakit siya pipirma, may gagawin ba sa PDAF ang isang staff ng senator kung walang blessing ang senator?” ayon kay Soriano.
Para kay Atty. Estelito Mendoza, na abogado rin ni Revilla, "exclamation point" na pabor sa kaniyang kliyente ang pagbawi ni Sula ng testimonya.
"The prosecution has not proven anything, that witness has just put an exclamation point to that matter, that the prosecution has not proven the charges or the allegations against Revilla,” pahayag ni Mendoza. —FRJ, GMA News
