Inaresto ang isang negosyanteng namaril ng dalawang napagkamalan niyang gun-for-hire sa Soldiers Hills Subdivision sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "QRT" noong Miyerkoles, mismong ang negosyanteng si Roel Cuambot ang nagsumbong sa Muntinlupa Police sa insidente pero siya ngayon ang itinuturing na suspek.

Sa kuha ng CCTV sa Soldiers Hills Subdivision, kita ang paghinto ng pulang kotseng minamaneho ni Cuambot.

Bumaba mula sa sasakyan ang misis niya at kaniyang tauhan tsaka niya muling pinaandar ang sasakyan.

Nakabuntot sa kaniya ang motorsiklong dalawa ang sakay.

Nang mapansin daw ito ni Cuambot, huminto siya sa gilid ng kalsada para tingnan kung lalampasan lang siya ng mga naka-motorsiklo pero huminto rin ito sa kaliwang bahagi ng kotse.

Kuwento ni Cuambot, tinutukan siya ng baril kaya siya pumalag.

"'Pag bunot niya ng ganiyan, itinutok niyang ganiyan kaagad sa akin. So ang ginawa ko dahil naka-ready na ako, 'pag ganiyan pa lang niya... tinamaan ko na siya," aniya.

Bumagsak ang dalawang sakay ng motorsiklo na sila dating PO1 Pedro Delgado at Alfredo Alcaraz.

Tumakbo agad si Alcaraz pero natakot umano si Cuambot na baka may kasamahan pa ang dalawa.

"Tumakbo na ako, takbo ako, wala na ako sa sarili. Dahil para akong nasira na ang ulo ko na papatayin na naman ako nito dahil inambush na nga ako noon," dagdag ni Cuambot.

Wala na rin daw siya sa kaniyang kotse kaya 'di na niya alam ang sumunod na nangyari.

Mula naman sa junk shop na pagmamay-ari ni Cuambot, may lalaking tumakbo na may dalang baril na dumiretso kung saan nakahandusay si Delgado.

Binaril ng lalaking si alyas Nonoy nang malapitan si Delgado.

Base sa imbestigasyon,  posibleng napagkamalan ni Cuambot si Delgado na gun-for-hire.

Ayon kay Chief Inspector Gideon Ines Jr. ng Muntinlupa Police, maaaring magkakilala ang dalawa dahil sa parehong lugar lang sila nakatira.

"Conclusion namin ay magkakilala 'to. Kasi si Delgado ay nakatira lang din diyan sa ano, sa Soldiers Hills," paliwanag niya.

Nagdududa rin ang pulisya sa salaysay ni Cuambot dahil tila may itinatago siya at hindi niya isinuko ang ginamit na baril.

Itinanggi rin niyang kilala niya si alyas Nonoy.

Lumabas sa imbestigasyon na nanggaling lahat sa loob ng kotse ang walong tama ng bala sa sasakyan ni Cuambot.

Nakaburol si Delgado sa Caloocan.

Hindi rin kumbinsido ang pamilya ni Delgado na napagkamalan lang siya dahil pareho silang nakatira sa Soldiers Hills Subdivision.

Sabi ng kapatid ni Delgado na si Maria Lea Gonzales, kilala si Delgado sa Alabang at Muntinlupa.

"Buong Alabang, Muntinlupa kilala siya. Ultimo mga batang maliit kilala siya. Imposible na hindi siya makikilala," pahayag ni Gonzales .

Nagpapagaling pa sa ospital si Alcaraz habang tinutugis pa si alyas Nonoy. —Maia Tria/LBG, GMA News