Nasibak sa trabaho ang isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) dahil umano sa pangongotong sa isang dayuhan sa lungsod ng Maynila nitong Lunes.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Miyerkoles, makikitang pinara ng traffic enforcer na si Ferdinand Borja ang isang dayuhan at ang kasamang Pilipina dahil umano sa paglabag nila sa number coding scheme.

Nagbigay ng P2,000 ang dayuhan kay Borja. Akala niya, multa ito sa nagawa niyang paglabag sa number coding scheme.

Binigyan siya ni Borja ng "traffic violation receipt," subalit ang dayuhan, naghahanap ng resibo.

"Doesn't say here where I gave you P2,000," sabi ng dayuhan. "I need a receipt saying that I gave you P2,000."

"Oh no, that's aregluhan... That is areglo. Aregluhan po Ma'am 'yun. Kung okay lang sabi ko, diba? Para di na po siya magpunta ng city hall magbabayad," sabi naman ni Borja.

Sinubukan pa sanang tumawad ng Pilipina: "Wala na pong tawad? Gawin niyo na lang P1,000 o P1,500."

Hindi pumayag si Borja kaya't hiningi na lamang niya ulit ang lisensya ng dayuhan.

Pero sa huli, pumayag na rin ang Pilipina sa halagang P2,000: "It's okay, he's okay. He's okay baby love. Because we don't have time really."

Matapos matanggal sa trabaho, kinumpiska ang uniporme at paniket na ordinance violation receipt (OVR) ni Borja.

Kinondena naman ng MTPB ang ginawa ng kanilang kasamahan.

"We are condemning it dahil hindi po katanggap-tanggap. Nung napanood ko po 'yung video talagang nagngingitngit po ako sa galit eh," sabi ni Dennis Alcoreza, direktor ng MTPB.

Humingi rin sila ng paumanhin sa nabiktima ni Borja.

"Humihingi po kami ng paumanhin doon sa tao at kinokondena po namin 'yung kasamahan namin ngayon sa di niya tamang ginawa," sabi ni Ronald Allan Zabat, District 1 commander ng MTPB.

Sabi naman ng immediate supervisor ni Borja, humingi daw ito ng paumanhin sa nagawa.

"Ang inisyal na sinabi sa akin, 'Sir sorry... Nagkamali ako,'" sabi ni Jay Gutierrez, commander ng MTPB sa Dimasalang.

Dahil sa insidente, bawal munang magtiket ang mga enforcer ng Maynila.

Kung may mahuli man sila, kailangan nilang tumawag ng pulis o kaya ay enforcer mula sa Metropolitan Manila Development Authority.

Sinubukan ng GMA News na kuhanan ng panig si Borja subalit wala siya sa kanyang tahanan. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News