Pinaghahanap ng pulisya ang isang alyas Budyong na sangkot umano sa pagkamatay ng tatlong biktima sa tatlong magkakasunod na taon.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali nitong Biyernes sa State of the Nation with Jessica Soho, lumalabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police na sa parehong barangay lang ng mga biktima nakatira ang suspek ngunit bigla raw itong nawawala tuwing gagawa ng krimen.
Nitong July 18, binaril umano ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang biktimang si Jennifer Taburada. Si alyas Budyong ang itinuturong suspek ng mga nakakita sa pagbabaril. Kaagad ikinasawi ng biktima ang tama ng bala sa ulo.
Ayon sa Caloocan police, tinangka umanong gahasain ni Budyong si Taburada nitong Marso.
Ayon kay Police Senior Inspector Felipe Fermin, Jr., hepe ng station investigation unit ng Caloocan Police, inireklamo ito ni Taburada sa kapulisan.
"Iyon po 'yung ikinagalit sa kanya ng suspek at doon siya binantaan. Ito po 'yung nakitang bumaril doon sa biktima," sabi ng opisyal.
Hinala ng pulsiya na si Budyong din ang pumatay sa kinakasama ni Jennifer nitong 2017.
Ayon sa kapatid ni Taburada: "Kursunada ng lalaki, tapos ayaw. Ayaw niyang pumayag...Pinalo raw siya sa ulo ng baril. Tinutukan siya. Pinagbantaan sila: 'Gusto ninyo, patayin ko kayong mag-asawa?'"
May nag-uugnay din daw kay Budyong sa isa pang insidente noong November 2016.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang babae na kinilalang Jennifer Espiritu. Nilapitan siya ng lalaking nakatalukbong ang ulo. Pagkatapos ay pinagbabaril ng suspek ang babae. Makikita pang may isinuksok ito sa kanyang bulsa na, ayon sa SOCO, ay shabu raw.
"Si Jennifer Espiritu, siya po 'yung nagbigay ng babae kay Budyong," sabi ni Fermin.
"Itong babaeng hinahanap ni Budyong na 'to, reportedly ay nabuntis ni Budyong eh. Hindi naman niya itinuro 'yung nasaan 'yung kinaroroonan ng babae so siya po 'yung pinagbalingan ni Budyong. Siya 'yung pinatay," dagdag ng opisyal.
Sinabi din ni Fermin na "lider nga po ng isang gang doon. Talagang notoryus siya sa pagpatay."
Patuloy daw ang pinaigting na manhunt operation ng pulisya kay Budyong.
Kung sakaling makumpleto ang ebidensiya laban kay Budyong ay sasampahan siya ng tatlong magkakahiwalay na kasong murder. —Margaret Claire Layug/KG, GMA News
